Noong ika-24 ng Agosto, ang mga mag-aaral ng Academia Progresiva De Manila ay nagdiwang ng Araw ng Wika sa pamamagitan ng paglalaro ng mga larong Pilipino na siya namang ikinasiya ng lahat. Iba’t ibang larong Pilipino gaya ng Patintero, Luksong Tinik, Paru-parong bukid, Tumbang Preso, Alimango Race, at Hephep Hooray, ang isinagawa ng mga bata. Sa pamamagitan nito ay nabigyan sila ng pagkakataong maranasang laruin ang ilan sa mga larong Pilipinong kinagigiliwan ng mga kabataan mula pa noon. Maririnig ang tawanan at sigawan ng mga bata habang nakikipaglaro sa kanilang mga kamag-aral. Pagkatapos nito ay nagkaroon ng munting salu-salo sa bawat silid-aralan tampok ang iba’t ibang pagkaing Pinoy. Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, natutunan ng mga bata na tunay ngang masayang maging isang Pilipino!